SIKAD-BASA ng SLSU-TO Umaarangkada sa Pagpapalaganap ng Panitikang Pilipino sa Kabataan ng Brgy. San Isidro, Tomas Oppus

Noong Abril 30, isinakatuparan ang makabuluhang proyekto ng mga mag-aaral mula sa Bachelor of Elementary Education (BEEd) ng Southern Leyte State University – Tomas Oppus Campus, sa ilalim ng asignaturang Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino (KOMKONFIL). Pinamagatang “SIKAD-BASA: Panitikang Umaandar, Kaalamang Sumisikad,” layunin nitong ilapit ang panitikan sa kabataang may limitadong akses sa babasahin.
Sa tulong ng Educator’s Club, isinakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng isang binagong potpot na nagsilbing mobile library at entabladong pampanitikan. Habang umikot ito sa Barangay San Isidro, isinagawa ang mga aktibidad gaya ng interactive storytelling, icebreaker games, at book browsing, gamit ang mga orihinal na akda ng mga mag-aaral.
Pinangunahan ang gawain nina Eva R. Almorado (Overall Coordinator), Kyla B. Epis (Logistics), Devine Grace T. Geraldo (Facilitator), at Cliford A. Narbaiz (Documentation), sa ilalim ng gabay ni Mark B. Galdo (Gurong Tagapayo).
Bukod sa pagiging akademikong proyekto, ang SIKAD-BASA ay sumusuporta sa mga layunin ng United Nations Sustainable Development Goals (SDGs), partikular sa kalidad ng edukasyon, pagbawas ng hindi pagkakapantay-pantay, at pagtataguyod ng makakalikasang komunidad. Isa itong konkretong hakbang tungo sa pagbuhay ng interes sa pagbabasa at panitikang Pilipino—isang sikad tungo sa literasi ng bayan.