Lunsad Aklat 2024: Pagbubukas ng Panibagong Pahina sa Malikhaing Panitikan ng mga Makatang Estudyante ng SLSU Tomas Oppus
Sa patuloy na pagpapaunlad ng malikhaing pagsulat at panitikan, isang makabuluhang kaganapan ang naganap sa Kolehiyong Pangkaguruang Pang-Edukasyon ng SLSU Tomas Oppus. Sa ilalim ng temang “Pagbukas, Pag-usbong at Pagyabong ng Panibagong Pahina sa mga Kwento’t Tula," inilunsad ang ikalawang edisyon ng Lunsad Aklat 2024 sa Pampinid na Program ng Buwan ng Wika 2024 noong Agosto 28, 2024.
Ang kaganapan, sa pangunguna ni Dr. Mark B. Galdo, Filipino Faculty at Head of Research, Innovation, Extension, and Services (RIES), ay nagbigay-pugay sa mga makatang estudyante na nagpakitang gilas sa larangan ng malikhaing pagsulat kasama ang Campus Director Dr. Clemente H. Cobilla at Filipino Program Chair Dr. Norlyn L. Borong. Tampok sa Lunsad Aklat ang apat na kwentong pambata na may pamagat na “Ang Nakatagong Swerte,” “Espesyal na Bibingka para kay Inay,” “Talaarawan,” at “Ang Regalo kay Inay,” na isinulat ng mga mag-aaral ng Bachelor of Elementary Education (BEEd) sa gabay rin ni Mam Dannalyn S. Impuesto, creative storybook writer.
Kasama rin sa mga inilunsad na aklat ang apat na aklat ng tula na isinulat ng mga mag-aaral ng BSEd-Filipino Third Year na may pamagat na “SDG: Hakbang ng Pag-asa," "Tahanan: Pundasyon at Kanlungan," "Adto na Bai: Mga Likhang-Tula sa Paglalakbay sa Timog Leyte," at "Kusinang Pinoy: Mga Lutong-Tula mula sa Hapag-kainang Pilipino." Ang lahat ng mga akdang ito ay rehistrado sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) upang maprotektahan ang karapatang-ari ng mga manunulat.
Ang Lunsad Aklat 2024 ay hindi lamang isang pagdiriwang ng malikhaing talento kundi isang patunay ng patuloy na pagsibol ng mga bagong manunulat at makata mula sa SLSU Tomas Oppus. Ang aktibidad na ito ay nagtataguyod ng Sustainable Development Goals (SDGs) sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon (SDG 4) sa pamamagitan ng panitikan, pagbibigay ng oportunidad sa mga estudyante na maglathala at paunlarin ang kanilang kakayahan (SDG 8), pagpapalakas ng lokal na kultura at pamayanan (SDG 11), at pagtataguyod ng positibong mensahe para sa mas maayos na lipunan at matibay na institusyon (SDG 16). Sa ganitong paraan, ang mga inilathalang aklat ay tumutulong sa pag-abot ng mga layunin ng SDGs sa pamamagitan ng edukasyon at pag-unlad ng lokal na komunidad.