SLSU-TO Binuksan ang Taon sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024

Sa pagtanggap ng bagong taong panuruan 2024-2025, isang makulay at makabuluhang selebrasyon ang isinagawa ng Southern Leyte State University-Tomas Oppus Campus bilang pakikiisa sa Buwan ng Wikang Pambansa 2024. Sa ilalim ng temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya,” nagtipon-tipon ang lahat ng kawani at mga mag-aaral sa harap ng Administration Building ngayong Agosto 12, 2024, upang ipagdiwang ang wikang nagbubuklod at nagpapalaya.
Ang seremonya ay nagsimula sa isang taimtim na panalangin at pagkanta ng pambansang awit na pinangunahan ng mga miyembro ng Kapisanan ng Filipino (KANFIL), isang kilalang akademikong organisasyon sa mga nagpapakadalubhasang mag-aaral sa Filipino. Sinundan naman ito ng Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas na pinangunahan ni Dr. Riza Lacerna, isang Filipino Education Faculty, habang ang panunumpa ng lingkod-bayan ay ginawa ni Dr. Norlyn L. Borong, ang Chair ng Filipino Education Program. Kasunod ding inawit ang ASEAN at SLSU Hymn.
Nagbigay-kulay at buhay sa seremonya ang isang natatanging produksiyon na inihanda ni Dr. Mark B. Galdo at ng Kapisanan ng Filipino (KANFIL) kasama ang ilang miyembro ng Bidlisiw Dance troupe upang ibandera ang galing at makulay na kulturang Pilipino. Samantalang, isang mensahe ng pagbati, direksyon at mahahalagang anunsyo sa taong panuruan naman ang ibinigay ni Dr. Clemente H. Cobilla, ang Campus Director ng SLSU- Tomas Oppus Campus.
Kaugnay rito, ang mga kawani at mag-aaral ay nagningning sa kanilang makukulay na Filipiniana, kung saan ang pinakamaganda at pinakamaalab na kasuotan ay pinarangalan. Sa bawat ngiti at kislap ng mata, nadama ang diwa ng kalayaan at pagkakaisa na isinasalin ng wikang Filipino—isang wikang patuloy na nagiging sandigan ng ating pagkakakilanlan.
Sa patuloy na pagdiriwang, inilunsad ang mga serye ng gawain tulad ng Larawika, Sulat-Bigkas, Tagisan ng Talino, at ang Pasiklaban ni Tomas 2024, na magbibigay ng sigla at kaalaman sa buong buwan ng Agosto.
Ang matagumpay na seremonya ay hindi lamang tanda ng simula ng bagong taon ng pag-aaral kundi pati na rin ng bagong pag-asa at inspirasyon para sa buong pamayanan ng SLSU-Tomas Oppus.