SLSU Tomas Oppus Ipinagdiwang ang Pagbubukas ng Buwan ng Wika 2025

Matagumpay na isinagawa ng Filipino Education Department at Kapisanan ng Filipino ng Southern Leyte State University–Tomas Oppus Campus (SLSU TO) ang pagbubukas ng Buwan ng Wika 2025 ngayong araw (ika-11 ng Agosto, 2025), na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”
Dinaluhan ang makulay na programa ng mga kaguruan, kawani, at maging ng mga mag-aaral kabilang na ang mga bagong estudyante ng SLSU TO. Tampok sa unang bahagi ang masiglang pambungad na produksyon mula sa Kapisanan ng Filipino na nagbigay kulay at sigla sa pagdiriwang. Nagbigay din ng makabuluhang mensahe si Dr. Norlyn L. Borong, Filipino Education Program Head, na nagpaalala sa kahalagahan ng wika bilang haligi ng pambansang identidad at pagkakaisa. Bilang highlight ng selebrasyon, isinagawa ang Paggawad ng Pinakamagandang Kasuotang Pambansa sa tatlong kategorya: Guro, Administrative Staff, at Mag-aaral na pinangunahan ni Dr. Mark B. Galdo, tagapayo ng KanFil. Ang mga nagwagi ay kinilala hindi lamang sa ganda ng kasuotan kundi sa pagpapahalaga sa kulturang Pilipino na kanilang ipinakita.
Ang pagbubukas ng Buwan ng Wika sa SLSU TO ay hindi lamang isang selebrasyon ng wika at kultura, kundi isang hakbang tungo sa pagsusulong ng makabuluhang edukasyon at inklusibong lipunan alinsunod sa Sustainable Development Goals (SDG 4: Quality Education at SDG 10: Reduced Inequalities).