Dr. Galdo, Tampok na Tagapagsalita sa Pagsasanay ng mga Guro ng DepEd Maasin City
Lumahok bilang pangunahing tagapagsalita si Dr. Mark Galdo, Professor 1, Faculty ng Filipino Education at Head ng Research, Innovation, and Extension Services ng SLSU-TO, sa Pansangay na Pagsasanay ng mga Gurong Nagtuturo ng Filipino sa Lebel Sekundarya sa Mapanghamong Panahon ng Pagtuturo na isinagawa noong Enero 29–31, 2026 sa Function Hall ng Cacao Mountain Resort. Nilahukan ang tatlong araw na pagsasanay ng mga gurong kasapi ng DepEd Maasin City, na layong mapaigting ang kakayahan ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino sa gitna ng nagbabagong kalagayan ng edukasyon.
Tinalakay ni Dr. Galdo ang mahahalagang paksa na nakatuon sa pagpapalalim ng kaalaman sa wika at pananaliksik. Sa Session 2 na may pamagat na “Mula Alituntunin Tungo sa Kahulugan: Ortograpiyang Filipino sa Silid-aralan,” binigyang-diin niya ang makabuluhang paggamit ng ortograpiyang Filipino at ang paglalapat nito sa aktuwal na konteksto ng pagtuturo at pagkatuto.

Samantala, sa Session 3 na “Mula Teksto Tungo sa Konteksto: Mga Impormatibo at Akademikong Teksto sa SHS Pananaliksik,” tinalakay niya ang wastong paggamit ng mga akademikong teksto sa pananaliksik ng Senior High School, gayundin ang mga estratehiyang makatutulong sa paglinang ng kritikal na pagbasa at akademikong pagsulat ng mga mag-aaral.
Ang pagsasanay ay isinagawa bilang bahagi ng patuloy na inisyatiba na mapaangat ang kalidad ng pagtuturo ng Filipino sa sekundaryang antas at matugunan ang mga hamon ng makabagong edukasyon. Ang gawaing ito ay umaayon sa Sustainable Development Goal 4 (Quality Education) na naglalayong tiyakin ang inklusibo, pantay, at de-kalidad na edukasyon at itaguyod ang panghabambuhay na pagkatuto para sa lahat.

