Sa temang “Sikad ng Panitik, Pajag ng Kultura: Paglalakbay ng Timog Leyte sa Malikhaing Pagsasalaysay,” matagumpay na inilunsad ang Pajag Dyornal noong Mayo 20, 2025 sa Tomas Oppus Theater Hall ng Southern Leyte State University – Tomas Oppus Campus. Bahagi ito ng mas malawak na inisyatibong tinaguriang Project WIKAnTALK ng Filipino Education Program, na layuning paigtingin ang malikhaing pagsulat at pagpapayaman ng kulturang Timog Leyteño.
Pinangunahan ni Dr. Norlyn L. Borong, Program Head ng Filipino Education sa SLSU, ang pagbubukas ng programa. Kasama niya sa pagbibigay ng pambungad na pananalita si Dr. Hilda D. Olvina, Education Program Specialist sa Filipino mula sa DepEd Southern Leyte Division. Ipinakilala naman ni Dr. Mark B. Galdo, Project Leader ng WIKAnTALK, ang opisyal na paglulunsad ng Pajag Dyornal. Kaalinsabay nito ang pagpapakilala sa mga may-akda, panlabas na editor, at PAJAG Editorial Management Board. Layunin ng Pajag na magsilbing tahanan ng malikhaing kaisipan, pananaliksik, at panitikang sumasalamin sa diwa ng mga taga-Timog Leyte.
Nagpahayag ng buong suporta ang Department of Education – Southern Leyte sa pamamagitan ni Dr. Isidro C. Catubig, CESE, Assistant Schools Division Superintendent. Malugod ding nagpaabot ng mensahe ng pakikiisa ang pamunuan ng Southern Leyte State University, sa pangunguna nina Ms. Adelfa C. Diola, Director ng Extension Services, Dr. Clemente H. Cobilla, Campus Director ng SLSU-TO, at Dr. Francis Ann R. Sy, Vice President for Research, Innovation, and Extension Services (RIES).
Sa hapong sesyon, itinampok ang mga piling malikhaing akda sa ilalim ng segment na tinawag na "USAP PAJAG"—isang literary round table discussion kung saan malikhaing inilahad ng mga Pajag Writers ang kanilang mga akdang nailathala sa dyornal. Kabilang sa mga tampok na manunulat ay sina Ariel P. Dingal, Waren M. Moreno, Ma. Regina O. Talabo, Evelyn B. Cruzada, Clariza M. Laodeño, Juvelyn Mae D. Monter, at Christian Vincent M. Sala, na nagbahagi ng kani-kanilang prosesong pampanulat, inspirasyon, at mga layunin sa likod ng kanilang mga akda. Sinundan ito ng masiglang talakayan sa pangunguna ng mga iginagalang na panelista mula sa SLSU–Main Campus: Dr. Lorelie J. Paloma at Dr. Flordeliza E. Vitor, kasama sina Gng. Edna Malasaga, Education Program Supervisor sa Filipino ng DepEd Maasin City Division, at Gng. Chindy Lee L. Dela Cruz, Master Teacher ng dibisyon. Nagbukas ang segment na ito ng mas malalim na espasyo para sa palitan ng pananaw, at nagbigay-diin sa kung paano higit pang mapapaigting ang pagkamalikhain sa pagsusulat bilang kasangkapan sa pagtuturo at pagkatuto ng Filipino sa loob ng silid-aralan—lalung-lalo na sa posibilidad na integrasyon ng mga akdang Pajag sa kurikulum.
Kasunod ng mga presentasyon sa USAP PAJAG, isinagawa ang isang maikling pagpupulong upang talakayin ang mga susunod na hakbang para sa PAJAG Journal at pagbabahagi ng mga karanasan sa likod ng publikasyon—mga hamong hinarap at mga solusyong naitaguyod sa tulong ng sama-samang pagkilos. Naging pagkakataon ito upang mas mapagtibay ang layunin ng dyornal bilang daluyan ng malikhaing pagsulat sa rehiyon, at upang maglatag ng konkretong direksyon para sa mga susunod na isyu, kabilang ang mas malawak na partisipasyon ng komunidad, integrasyon sa edukasyon, at patuloy na suporta sa mga manunulat at guro ng Southern Leyte.
Sa panapos na bahagi ng programa, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat sina Dr. Clemente H. Cobilla at Dr. Rosalie Pelegrino, Editor-in-Chief ng Pajag Dyornal. Isinara naman ang buong araw ng selebrasyon ni Dr. Mark B. Galdo, RIES Head at pangunahing tagapagtaguyod ng Project WIKAnTALK. Sa kanyang pananalita, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng malikhaing pagsasalaysay bilang kasangkapan sa paghubog ng identidad at sa pagbibigay-boses sa mga karanasang Timog Leyteño. Ang paglulunsad ng Pajag Dyornal ay patunay na buhay na buhay ang sining, panitikan, at kultura sa rehiyon. Sa pamamagitan ng WIKAnTALK, binibigyang-halaga ang lokal na talino at malikhaing pagsasalaysay bilang mahalagang bahagi ng pambansang diskurso.
Kaugnay ng Sustainable Development Goals (SDG), ang proyektong ito ay tumutugon sa SDG 4 – Quality Education sa pamamagitan ng pagsusulong ng edukasyon sa wika at panitikan; SDG 11 – Sustainable Cities and Communities sa pagpreserba at pagpapayabong ng lokal na kultura; at SDG 17 – Partnerships for the Goals sa matibay na ugnayan ng mga institusyon gaya ng SLSU at DepEd para sa makabuluhang pagbabago sa komunidad.












